Babawiin muna ng Department of Health (DOH) ang mga alokasyon ng bakuna na hindi pa nagagamit ng ilang lokal na pamahalaan hanggang sa Marso 24.
Ayon kay Health Undersecretary at DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire, may hanggang Marso 24 na lamang ang mga naturang lokal na pamahalaan para magamit ang kanilang mga bakuna.
Aniya, ang mga bakunang hindi magagamit sa nasabing petsa ay kukunin muna ng DOH at dadalhin sa mga lugar na may matataas na kaso ng impeksiyon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ipinaliwanag ni Vergeire na nais nilang ipaunawa sa mga ito na ang mga bakuna ay hindi dapat patagalin at dapat iturok agad sa mga health worker, lalo na sa panahon ngayon na dumarami na naman ang nahahawa ng coronavirus.
Nilinaw naman ni Vergeire na papalitan din naman nila ang mga ito pagdating ng mga bagong batch ng bakuna.
Batay sa datos ng DOH, sa ngayon ay umabot na sa 336,656 health workers sa buong bansa ang nabakunahan laban sa COVID-19