Mga prusisyon ngayong Mahal na Araw, kanselado — CBCP

Kanselado ang pagdaraos ng mga prusisyon sa bansa ngayong nalalapit na Mahal na Araw, bunsod pa rin ng nananatiling banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) at pagdami ng mga kaso nito.

Ayon kay Father Jerome Secillano, ang tagapagsalita ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kahit pa hindi tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay wala na talagang plano ang Simbahang Katolika na magdaos pa ng mga prusisyon para matiyak na hindi magkakaroon ng hawahan ng coronavirus.

Kahit hindi tumataas ang kaso ng COVID-19 ngayon, hindi na talaga gagawin ang mga prusisyon,” ani Secillano, sa panayam sa radyo at telebisyon.

Tiniyak naman ni Secillano na lahat ng simbahan ay patuloy na tumatalima sa ipinaiiral na health protocols ng pamahalaan dahil sa pandemya.

Sa ngayon naman aniya ay wala pa silang nababalitaan na pasyenteng nahawa ng virus dahil sa pagpunta ng simbahan.

Wala pa kaming nabalitaan na sa loob ng simbahan na-infect [ng COVID-19],” ani Secillano.

Samantala, sa mga diyosesis ng Cubao at Novaliches sa Quezon City, sinuspinde na rin maging ang mga public gathering para sa pagbabasbas ng mga palaspas sa Palm Sunday, gayundin ang Salubong o Easter Sunday.

Resulta ito nang pakikipag-usap nina Novaliches Bishop Roberto Gaa at Cubao Bishop Honesto Ongtioco kay Quezon City Mayor Joy Belmonte kung saan napagkasunduan nilang magpatupad ng mga restriksiyon sa panahon ng Mahal na Araw mula Marso 28 hanggang Abril 4.

Bukod dito, hindi na rin pinapayagan sa naturang dalawang diyosesis ang Pabasa o ang tradisyunal na pag-awit ng pasyon ni Kristo, gayundin ang pagpepenitensiya.

Gayunman, hinimok nila ang pagdaraos na lamang ng virtual o online Pabasa.

Maging ang nakaugaliang pagbi-Visita Iglesia o “Stations of the Cross” ay hinihikayat na gawin na lamang ding online.

Sa kabilang dako, pinayagan naman ng Quezon City government ang pagsasagawa ng prusisyon para sa mga imahe ng dalawang diyosesis ngunit dapat na ang convoy nito ay binubuo lamang ng tatlong sasakyan.

Hindi naman pinapayagan ang pagkakaroon ng audience o paglahok ng mga parishioners sa aktibidad, na dapat ay i-live stream na lamang para mapanood online ng mga mananampalataya. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.