PATAY ang limang miyembro ng pamilya matapos na hindi magawa pang makalabas sa nasusunog nilang bahay kahapon ng madaling araw sa lungsod Quezon.
Natukoy ang mga nasawi na sina Gilbert Yu, Charito Yu, Abigail Yu, Ryan Yu at isang nakilala lamang sa pangalan na Rita habang sugatan naman ang isang Cheryl Yu na nagtamo na pinsala sa kanyang katawan.
Nagawa naman masagip ng mga bumbero mula sa natutupok na bahay sina ang ilan pang miyembro ng pamilya Yu na sina Stephanie at Richard.
Ayon kay Fire Investigator SFO4 Marcos Mondia ng Quezon City-Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 1:50 ng madaling araw nang Sabado, Marso 20, ng sumiklab ang sunog sa tahanan ng mga biktima na matatagpuan sa No. 63 Castrillo St. Corinthians Garden, Barangay Ugong Norte.
Tumagal ng dalawang oras ang sunog at bandang 3:50 ng madaling araw nang ideklarang fire under control ito.
Tinatayang umabot sa P600,000,00 ang napinsala na mga ari-arian sa nasunog na bahay ng pamilyang Yu.
Patuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng arson investigators kung ano ang naging ugat ng insidente.