Mga opisyal ng CBCP, handa magpaturok ng COVID-19 vaccine

Share this information:

Sinabi ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na handa magpaturok ang ilang opisyal nito ng COVID-19 vaccine sa harap ng publiko upang mapataas ang kumpiyansa ng mga mamamayan sa bakuna.

Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni CBCP president Archbishop Romulo Valles na tatanggapin niya ang anumang COVID-19 vaccine na iaalok sa kaniya dahil na rin sa urgency ng sitwasyong kinakaharap ng bansa sa ngayon sanhi sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“If I can wait, then I’ll wait for a good vaccine. But if the situation really like it is now, you cannot wait for a better vaccine, I would take any vaccine offered,” ayon pa kay Valles.

Tinukoy pa ni Valles ang payo ng molecular biologist at moral theologian na si Father Nicanor Austriaco, na ang bakuna, kahit pa 50 percent lamang ang bisa nito ay magiging beneficial o kapaki-pakinabang pa rin sa mga mamamayan dahil mapapababa nito ang panganib na maospital ang isang indibidwal dahil sa virus.

Sinabi naman ni CBCP vice president at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na hinikayat ni Austriaco ang mga obispo na magpabakuna sa harap ng publiko upang mapawi ang pangamba at pagdududa ng mga mamamayan sa bakuna.

Nabatid na tinalakay ng mga obispo ang gagawing pagbabakuna ng pamahalaan sa mga mamamayan laban sa COVID-19 sa kanilang idinaos na plenary assembly kamakailan.

Una na rin namang inihayag ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang kahalagahan ng mga religious groups sa paghikayat sa mga mamamayan na magpabakuna.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.