INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na hindi saklaw ng internet voting sa halalan sa 2025 ang mga kwalipikadong overseas Filipino sa 12 bansa dahil sa mga paghihigpit.
Ayon kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, batay sa mga tala mula sa Office for Overseas Voting (OFOV), may kabuuang 17 posts o Philippine Embassies (PEs) o Philippine Consulates General (PCGs) ang magiging apektado sa naturang paghihigpit.
Ang 12 bansa na mapapabilang sa paghihigpit, ayon kay Laudiangco, ay ang China, Timor-Leste, Papua New Guinea, Myanmar, Turkey, Russia, Nigeria, Jordan, Lebanon, Syria, Iran at Libya.
Dagdag pa niya, tinanggal na din sa listahan ang PE sa Tel Aviv, Israel dahil hindi na nalalapat sa internet voting ang internet restrictions sa nasabing bansa, pero ikinokonsidera pa rin ng Comelec ang iba pang “mode of voting” dahil sa umiiral na kaguluhan sa Gaza Strip.
Gayunpaman, sa 12 bansang may mga internet restriction, sinabi ni Laudiangco na ang pagboto sa ibang bansa ay isasagawa pa rin sa pamamagitan ng personal na pagboto sa PE o PCG o mail/postal voting.
Ang overseas absentee voting ay magsisimula 30 araw bago magsimula ang regular na halalan ngunit magsasara nang sabay-sabay sa mga lokal na botohan.
Maaari lamang bumoto ang kwalipikadong overseas Filipino voters (OFVs) para sa presidente, bise-presidente, 12 senador at isang party-list group at maaari silang bumoto sa pamamagitan ng koreo o bumoto ng personal sa 92 Philippine posts, embassies at consulates kung saan sila rehistrado.
Lumalabas sa talaan ng Comelec na noong 2022 presidential elections, nasa 1,697,215 ang registered OFVs sa buong mundo. Ito ay inaasahang tataas pa sa pagtatapos ng kasalukuyang voter registration sa Setyembre.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang kauna-unahang pagpapatupad ng pagboto sa internet para sa mga OFV sa 2025 ay isasagaw upang mapataas ang voter turnout ng mga kababayan sa ibang bansa sa mas mababang gastos sa gobyerno.
Noong nakaraang May 9, 2022 na halalan, mahigit P400 milyon ang gastos ng komisyon ngunit ang voter turnout ay 39 percent lamang at mas mababa pa kaysa sa mga nakaraang halalan.