ISANG lalaking pasahero ang nasugatan nang magbanggaan ang isang barko at isang barge malapit sa Verde Island sa Batangas, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Iniulat ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na nangyari ang insidente ng banggaan kahapon sa pagitan ng barge na Krizza Rica at MV Fastcat M19.
Lulan ng barge ang 300 sako ng semento at 17 crew habang 41 pasahero naman ang sakay ng Fastcat.
Sinabi ni Balilo na nasugatan ang isang 26-anyos na pasahero sa kanyang kanang mata at bibig dahil sa insidente.
Nakadaong na ang Fastcat sa Calapan port sa Oriental Mindoro kung saan lahat ng pasahero ay ligtas na naibaba.
Nagsagawa na rin ng initial oil spill assessment ang PCG sa pinangyarihan ng insidente kung saan negatibo ang resulta.

