PAPANAGUTIN umano ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang limang Mayor na nagpabakuna kontra COVID-19 kahit na wala sa ‘priority’ list ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID).
Pinagpapaliwanag na sa ilalim ng ‘show cause’ order ng DILG ang mga personalidad na sina Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, na nabakunahan noong March 22, 2021, T’buli South Cotabato Mayor Dibu Tuan, na nabakunahan noong March 19, Sto. Nino South Cotabato Mayor Sulpicio Villalobos, na nabakunahan noong March 19, Legaspi City Albay Mayor Noel Rosal na nabakunahan noong March 16 at Bataraza Palawan Mayor Abraham Ibba na nabakunahan noong March 22.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, isa sa dapat ipaliwanag ng nabanggit na mga alkalde kung bakit sinuway ang IATF guidelines para sa mga babakunahan sa kabila naman na alam nila na hindi sila kasama sa priority list ng gobyerno at pawang mga health care workers lamang ang prayoridad na mabakunahan.
Nagtataka si Densing kung bakit sinuway ng mga alkalde ang guidelines gayong alam naman daw nila ang kaparusahan para dito.
Samantala, tumanggap na rin ng AstraZenica vaccine ang Bise Alkalde ng Marikina City dahil sa pagiging doktor nito.
Ang pagtuturok kay Vice Mayor Marion Andres ay isinagawa sa Marikina City Sports Complex kung saan ang medical officer ng lungsod ang nangangasiwa sa kanyang pagbabakuna.
Agad naman itong ipinagtanggol ni Mayor Marcy Teodoro at sinabing kasama ang kanyang bise alkalde sa mga dapat tatanggap ng bakuna.
Bukod kasi sa pagiging Vice Mayor, nagpa-practice din umano bilang medical worker si Andres.
Bukod sa pagiging bise-alkalde at duktor, tumatayong pinuno rin ng City Task Force on COVID-19 si Andres at siya rin ang nangungunang frontliners sa lungsod. Giit pa ni Teodoro, pinapayagan naman ng Local Government Code ang mga local legislators na mag-practice ng kanilang propesyon habang ginagampanan ang pagiging lingkod bayan sa anumang lokalidad.

