ANIM na mangingisda, kasama ang kapitan ng bangka, ang inaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) Maritime Group dahil sa illegal dynamite fishing sa karagatang sakop ng Ternate, Cavite.
Ayon sa PCG, nagsasagawa sila ng pinaigting na maritime security patrol sa Carabao Island sa Ternate nang makita ng team ang isang kahina-hinalang bangkang pangisda kaya ito ay nainspeksyon.

Nakita naman ng PCG ang anim na bote ng dynamite na may air compressor sa nasabing bangka.
Agad inaresto ng PCG ang anim na mangingisda at iniskortan ang kanilang bangkang pangisda patungo sa pampang para sa pagsasampa ng kaukulang kaso at tamang documentation.
Nananatiling aktibo ang PCG Station Cavite sa seaborne patrols upang pigilan ang illegal, unreported, unregulated fishing at iba pang lawless activities sa kanilang mga nasasakupan.
Paglabag sa Republic Act (RA 10654), Section 92: “Fishing Through Explosives, Noxious o Poisonous Substance, o Electricity” ang kakaharapin ng mga naarestong mangingisda.