Mga magsasamantala sa panahon ng kapaskuhan sa Maynila, binalaan

Share this information:

Ibinabala ni Manila Mayor Isko Moreno sa publiko ang iba’t ibang modus operandi ng mga masasamang loob ngayong nalalapit na ang panahon ng kapaskuhan.

Tinukoy ni Moreno ang mga modus na “susi-susi, itlog at spiderman” na mga istilo ng mga kriminal para makapambiktima.

Ang “susi-susi” umano ang ang estilo na bubungguin ang sasakyan ng isang motorista para mapilitan na bumaba kung saan doon na siya hoholdapin o tatangayin ang kaniyang kotse.

Isa pang modus ang paghagis ng itlog sa windshield ng sasakyan na kapag ginamit ang wiper ay lalong lalabo ang salamin kaya mapipilitan na lumabas ang motorista.

Habang ang “spiderman” naman ay ang pag-akyat ng mga kawatan sa mga delivery trucks habang mabagal ang takbo upang tangayin ang anumang mahahalagang bagay na makikita.

Pinaalalahanan ni Moreno ang mga motorista lalo na ang mga babae na nag iisa sa loob ng sasakyan na kung makaka-engkuwentro ng mga ganito ay huwag nang bumaba ng sasakyan, patuloy na umandar at maghanap ng pinakamalapit na istasyon ng pulisya o mga nagpapatrulyang pulis. 

Mas tina-target umano ng mga kriminal ang mga nag-iisang tsuper lalo na kung babae ito kaya dapat na.maging doble ang pag-iingat.

Kasabay nito ay inatasan ni  Moreno ang  pamunuan ng Manila Police District (MPD)  na magpatupad  ng ibayong pagbabantay sa mga lugar na tukoy na sumasalakay ang mga kriminal upang mapanagot sa batas ang mga kawatan at matiyak ang kaligtasan ng motorista.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.