Mga inabandonang Balikbayan Box, idedeliber na ng BOC

NAGPATUPAD ng ilang hakbangin ang Bureau of Customs (BOC) upang maihatid ang lahat ng mga inabandonang balikbayan box sa kanilang mga nararapat na claimants.

Ayon sa BOC, ito ay bilang tugon sa kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagsikap na magpadala ng kanilang pakete sa Pilipinas.

Ang naturang mga pakete ay idedeliber sa pamamagitan ng Island Kabayan Express Cargo LLC at Win Balikbayan Cargo LLC sa loob ng apat na linggo depende sa lokasyon ng tatanggap.

Ayon kay BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz, maidedeliber ang mga pakete sa NCR sa loob ng isang linggo, habang isa hanggang dalawang linggo naman sa Luzon at dalawa hanggang apat na linggo para sa Visayas at Mindanao.

Sinabi ni Ruiz na kailangan lamang magprisinta ng anumang government ID ang mga claimant, kopya ng resibo at/o authorization letter kung kinatawan ang tatanggap ng balikbayan box.

Nilinaw naman ng BOC na hindi ito mangongolekta ng anumang fee o bayad para sa delivery ng mga balikbayan box.

Para sa kapakanan ng mga OFW at kanilang pamilya, ang BOC ay naglaan ng mga resources upang maihatid ang mga kahon nang direkta sa mga tatanggap.

Bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon nito, isinusulong ng BOC ang mga hakbang sa patakaran upang hadlangan ang mga katulad na balikbayan boxes scheme ng mga walang prinsipyong consolidator sa ibang bansa.

Kamakailan, ang BOC ay nakipagpulong sa Department of Trade and Industry-Fair Trade Enforcement Bureau (DTI-FTEB) upang pag-usapan ang  hakbang sa pagtutulungan.

Kabilang sa mga ito ay ang paglikha ng Balikbayan Box One-Stop-Shop at ang pagbalangkas ng inter-agency agreement sa pagitan ng DTI, Department of Migrant Workers, at BOC para ihinto ang mga katulad na bawal na aktibidad.

Bukod dito, inirekomenda sa  DTI-FTEB para suriin at amyendahan ang Philippine Shippers’ Bureau (PSB) – Administrative Order No. 06 series of 2005; ibalik ang akreditasyon ng mga deconsolidator sa BOC, at magsampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga maling freight forwarder.

Ang BOC, sa pamumuno ni Ruiz at alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay makikipagtulungan sa mga regulatory agencies gaya ng DTI-FTEB laban sa mga kahina-hinalang freight forwarder na patuloy na nanloloko sa mga OFW sa ibang bansa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.