MAHIGPIT na ipapatupad ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang “no facemask, no entry” sa mga sementeryo sa lungsod gaya ng Manila North at South cemeteries.
Ito ang tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna sa kanyang pag-iikot kaninang umaga sa Manila North Cemetery.
Sinabi ng alkalde na bagamat may kautusan na maaari nang hindi magsuot ng facemask sa mga open spaces ay nakasaad din na sa mga pagkakataon na maraming tao ay kailangan pa rin aniya ang pagsusuot ng face mask.
Giit niya, dahil inaasahan ang pagdagsa ng tao sa sementeryo ay ipapatupad nila ng mahigpit ang wearing of face mask mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.
Magbibigay naman ang pamahalaang lokal ng face mask sa entrada ng Manila North at South cemetery sa mga makikitang walang suot nito.