Breaking News

Share this information:

NAG-RALLY sa harap ng tanggapan ng Department of Health (DOH) ang samahan ng Filipino Nurses United (FNU) ngayong umaga sa Rizal Ave, Sta. Cruz Maynila.

Hinaing ng mga narses ang mababang sahod at mga benepisyo na hindi pa rin naibibigay sa kanila hanggang sa ngayon ng gobyerno, partikular ang DOH.

Sigaw nila ang karapatan ng mamamayan sa kalusugan at ang seguridad ng bawat health care worker dahil ayon sa kanila, marami na ang mga narses na nagtitiis dahil sa hindi naibibigay na mga allowance at benepisyo.

Karamihan pa rin sa kanila ay hindi pa natatanggap ang kanilang special risk allowance, ayon sa grupo.

Ang kanilang pagpoprotesta ay kasabay na rin ng nalalapit na National Nurses Week sa huling linggo ng Oktubre.

Kasama ng FNU sa nagkasa ng protesta ang mga miyembro nito mula sa mga pribado at pampublikong hospital tulad ng  St. Luke’s Hospital, Metropolitan Medical Center, Jose R. Reyes Memorial Medical Center at iba pa.

Giit ng grupo, hindi pa rin natutugunan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing lalo na’t ilan sa kanila ay lubos na nahihirapan sa kanilang trabaho bunsod ng COVID-19 pandemic at kakulangan na ng health workers sa ospital.

Ang ilan ay pagod na pagod na dahil ang isang nurse ay 15 ang hawak na pasyente o di kaya naman ay umaabot pa sa 20 pasyente ang kanilang inaalagaan.

Ikinadismaya din ng grupo ang naging proposal ng DOH sa 2022 budget kung saan kulang ang pondong ilalaan sa mga tulad nilang healthcare workers.

Iginiit ng FNU na insulto ito sa mga katulad nilang nurse lalo na’t hindi pa ganap na naibibigay ang nararapat na allowances, hazard pay at iba pang benepisyo sa ilalim ng Bayanihan 2.

(PHOTO CREDIT: Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: