HINDI na obligadong sumailalim sa quarantine ang sino mang indibidwal na nakasalamuha ng positibo sa COVID-19 ngunit walang sintomas o asymptomatic at fully vaccinated o kumpleto na ang bakuna laban sa virus.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Spokesperson at Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pinaiiral na ang nasabing patakaran alinsunod sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.
“Kapag kayo ay asymptomatic, ibig sabihin walang sintomas, close contact kayo ng isang positibong indibidwal, at kayo ay fully-vaccinated, wala na pong kailangan o zero days for quarantine,”ayon kay Vergeire.
Gayunman, nagpaalala pa rin si Vergeire sa mga close contact ng may COVID-19 na patuloy na i-monitor ang sarili at sakaling makaramdam ng sintomas ay agad na mag-isolate at ipagbigay-alam sa lokal na pamahalaan upang magabayan sa mga dapat gawin.
Kinatwiranan naman ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvana ang desisyong alisin ang quarantine requirement na aniya’y sa ilalim ng Alert Level 1, mababa na ang bilang ng may COVID-19 kaya’t mababa na rin ang risk o panganib ng hawaan.
Maliban dito, sinabi ni Salvana na dahil karamihan ay bakunado na, maliit na rin ang tsansa na mahawa at makahawa.
Lubha na aniya kasing mahirap lalo sa mga manggagawa na kailangang pisikal na pumasok sa trabaho na mag-quarantine nang walang sweldo.
“Unang una, sa Alert Level 1 napakababa na talaga ng number of people who have COVID-19. So, the overall picture is that ‘yung risk na yun, mas mababa,” pahayag ni Salvana.
“Pangalawa, is that kung bakunado po tayo, mas mababa po yung tsansa na mahawa tayo at mas mababa rin yung tsansa na kahit makalusot sa atin, makahawa tayo ng ibang tao and on top of that sa Alert Level 1, mataas na rin yung level ng vaccination,” dagdag pa nito.

