Fuel subsidy, aprubado na pero P15 minimum na pasahe sa jeep inihihirit pa rin; labor groups, iginiit ang dagdag-sweldo

APRUBADO na ang P6,500 na fuel subsidy sa mga operator at drayber ng pampasaherong sasakyan na apektado ng walang prenong pagtataas ng halaga ng krudo.

Kasunod ng isinagawang pulong ng mga transport group at Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), napagkasunduan din na idamay sa subsidiya ang mga bus, UV express, taxi, traysikel, ride-hailing at delivery services at mga shuttle.

Hirit ni Obet Martin ng Pasang Masda, agaran na sanang maipalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para sa fuel subsidy.

Tiniyak naman ni Atty. Zone Russet Tamayo, LTFRB-NCR director, na patuloy na silang nakikipag-ugnayan sa DBM at Department of Energy para sa pagpapalabas ng pondo sa subsidiya.

Hirit na P15 minimum fare sa jeep, tuloy

Gayunman, tuloy pa rin ang hirit ng transport groups para sa P15 minimum na pasahe sa jeepney sa katwirang nagmahal na rin ang iba pang gastusin ng mga tsuper tulad ng spareparts.

Tumaas na po ‘yung mga piyesa namin ng almost 22% ang itinaas lalo na ‘yung gulong, baterya, ‘yung spare parts. Dahil po ‘yan sa sumasabay doon sa deregulation law,” giit ni Lando Marquez, national president ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas sa panayam sa telebisyon.

Dagdag-sahod hirit ng labor groups

Itinutulak naman ng ilang grupo ng paggawa na maitaas ang minimum na sahod ng mga manggagawa upang makasabay sa pagtataas ng bilihin at ng inihihirit na fare hike.

Kahit man lang kalahati nung family living wage or ‘yung 750 pesos puwedeng itaas doon ‘yung sahod,” ayon kay Rochelle Porras, Executive Director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research sa isang panayam.

Target naman ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na maghain ng petition for wage hike ngayong buwan.

The sense of urgency is there, considering that almost every week ‘yung presyo ng langis, you know naman ‘yung oil kung nag-i-increase, lahat ng basic commodities, increase din. So, hirap na hirap na ‘yung manggagawang Pilipino,” pahayag ni Atty. Raymond Mendoza ng TUCP sa isang panayam.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.