IPINAGBABAWAL ang tayuan sa bus at pagsabit sa jeep ng mga pasahero sa gitna ng pagpapairal ng 100-porsyentong kapasidad sa mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng Alert Level 1 sa Metro Manila.
Binigyang-diin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) officer-in-charge at general manager Romando Artes na malinaw sa patarakan ng Inter-Agency Task Force na ang tinatawag na full capacity sa mga public utility vehicle (PUV) ay para lang sa mga nakaupo.
“Hindi papayagan ‘yung tayuan dahil ang nakalagay po sa guidelines ng IATF ay full seating capacity, meaning yung kapasidad lang po ng sasakyan kung saan ang pasahero ay nakaupo. Yun lamang po yung papayagan except po sa MRT…sa capacity yung nakatayo kasi kung makikita niyo ang MRT naman po, LRT, designed po na kaunti lang ang nakaupo at mas maraming nakatayo. Except po doon, sa mga buses at jeepneys po, full seating capacity lang,” diin ni Artes.
Sa pagmomonitor ng MMDA, sinabi ni Artes na maayos namang nasusunod ang kapasidad ng mga PUV at disiplinado ang mga pasahero.
“Sa ngayon, maayos naman po yung pagpapatupad. Sa tingin naman po namin nadisiplina na yung mga tao at nagse-self-regulate din po,” dagdag nito.
Gayunman, may ilang pampasaherong jeep na bumibiyahe sa Marcos Highway ang sinasabing mahigit pa sa 100 porsyento ang kapasidad dahil may nakasabit sa estribo na mga pasahero.
Ilang pasahero rin sa MRT-3 ang hindi na nakasusunod sa social distancing protocol.

