Mga estudyante ng UP, nanguna sa 2022 Bar Exams

Share this information:

INILABAS ngayong araw ng Korte Suprema ang resulta ng 2022 Bar Exams, at mga examinees mula sa University of the Philippines (UP) ang nakakuha ng una hanggang ika-limang puwesto sa naturang taunang pagsusulit para sa mga nagnanais maging miyembro ng Philippine Bar.

Nanguna si Czar Matthew Gerard Torres Dayday ng UP nang magtala siya ng average na 88.8083 percent. Sinundan siya nila Erickson Cayabyab Mariñas (88.7666 percent), Christiane Claire Cregencia (87.9667 percent), Andrea Jasmine Ong Yu (87.7750 percent), at Kim Gia Grande Gatapia (87.4250 percent) sa ikalawa hanggang ika-limang pwesto.

Sinundan sila ni Gabriel Gil Manlambus Baes (87.2500 percent) mula sa University of San Carlos para sa ika-anim na puwesto, Luigi Nico Mosqueda Reyes (87.1917 percent) ng San Beda College Alabang sa ika-pitong pwesto, at sila Rio Mei Lungub Uy (87.0582 percent), Mark David Quinit Vergara (87.0083 percent), at Jaims Garbriel Lopez Orencia (86.9001 percent) na pawang mga taga-Ateneo de Manila University, ang siyang umokupa sa ika-walo hanggang ika-10 pwesto sa Top 10 Bar Examinees.

Ayon kay Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, Chair ng 2022 Bar Exams, nasa 3,992 examinees o 43.47 percent mula sa kabuuang bilang na 9,183 ang pumasa sa Bar exam na ginanap noong nakaraang taon.

Matatandaang naganap ang ikalawang digitalized Bar exam sa 14 local testing centers noong Nobyembre 9, 13, 16, at 20, 2022.

Maliban sa listahan ng mga pumasa ay inilabas din ngayong araw ng Korte Suprema ang mga Bar passer na nakakuha ng 30 highest total average gayundin ang limang law school na nakuha ng pinakamataas na Bar passers percentage.

Pinaalalahanan naman ng Korte Suprema ang mga pumasa na maghintay sa karagdagang detalye tungkol sa kanilang oath taking at roll signing na magaganap sa darating na May 12 sa Philippine International Convention Center (PICC).

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.