Maaaring madeport ang mga dayuhan na hindi susunod sa health protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Ito ang babala ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente sa lahat ng mga dayuhan na nais pumasok sa bansa.
“Aliens who disrespect persons of authority may be considered undesirable aliens. Foreign nationals who disrespect symbols of our country and persons of authority are not welcome in the Philippines,” ani Morente.
Ginawa ni Morente ang babala kasunod ng ulat na mayroong mga foreign executives ng mga kumpanya sa bansa na lumalabag sa IATF protocols sa kanilang lugar.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng BI ang ulat at kapag napatunayang totoo ang impormasyon ay magsasampa ng immigration cases ito laban sa mga sangkot na mga dayuhan.
Dahil din sa paglabag sa polisiya ng ECQ noong nakaraang taon, isang Spanish national ang napasama sa blacklisted aliens na nangangahulugan na hindi na maaaring makapasok pa ng bansa ang naturang dayuhan.