Mga botante, pinaalalahanan ng simbahan tungkol sa “vote buying” at “vote selling”

Share this information:

PINAALALAHANAN kamakailan ng isang opisyal ng simbahan ang mga botante kaugnay sa isyu ng “vote buying at vote selling.”

Sinabi ni Radio Veritas President Fr. Anton Pascual na labag sa Omnibus Election Code of the Philippines Article XII at moralidad ang vote buying at vote selling sa pagpili ng ihahalal na lider ng bansa sa May 2022 national at local elections.

Ayon kay Fr. Pascual, ang pagtanggap ng pera sa mga pulitiko sa panahon ng halalan ay mali.

Binigyang-diin din ng pari na kahit ang mahirap at kapus-palad na gipit sa buhay ay may dangal na makita ang tama sa mali sa pagtanggap sa pera.

Sinabi ni Fr. Pascual na ayon sa “Ecclesiastes 3:1,” may panahon ang lahat ng bagay.

“Ang pagtanggap ng pera (mula) sa mga pulitiko sa panahon ng halalan ay masasabi nating mali…kahit ang mahirap at kapus-palad na gipit sa buhay ay may dangal na makita ang tama sa mali sa pagtanggap sa pera. May panahon ang lahat ng bagay ayon nga sa Ecclesiastes 3:1,” pahayag ni Fr.Pascual sa panayam ng Radio Veritas

Sinabi naman ni dating Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., na kasama sa mga bumalangkas sa 1987 Constitution, pagdating sa vote buying ay kapwa nagkasala sa batas at moralidad ang kandidato at botante.

Ang pahayag ng mga opisyal ng Simbahan ay kasunod ng pahayag ng isang presidential aspirant sa mga botante na  tanggapin ang perang ibinibigay ng mga pulitiko pero huwag itong iboto sa araw ng halalan sa Mayo ng susunod na taon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.