Binatilyo, sugatan matapos saksakin ng snatcher dahil hindi naagaw ang cellphone

Share this information:

MALUBHANG nasugatan ang isang 17-anyos na estudyante matapos pagsasaksakin ng isang umano’y snatcher nang mabigong maagaw ang kanyang cellphone sa Malabon City kahapon ng madaling araw.

Sa imbestigasyon nina PSSgt. Ernie Baroy at PSSgt. Mardelio Osting, minamaneho ng binatilyong biktima ang kanyang bisikleta sa Hito St., Brgy. Longos para bumili ng pagkain.

Pagsapit sa kanto ng Block 9 dakong alas-12:50 ng madaling araw ay bigla na lamang sumulpot ang suspek na si Rodinito Samaro alyas “Potpot,” 30 anyos, ng Blk 1, Lot 30, Pampano St. at tinangkang hablutin ang cellphone ng biktima subalit hindi ito nagtagumpay.

Gayunman, naglabas ng icepick ang suspek at ilang ulit na inundayan ng saksak sa likod ang binatilyo bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon habang nakahingi naman tulong ang biktima sa mga barangay tanod na nagsugod sa kanya sa Tondo Medical Center upang maipagamot.

Ipinag-utos naman ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang follow-up operation para sa pagkakaaresto sa suspek.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.