Mga bata, bawal pa ring lumabas ng bahay subalit may mga exemption

Share this information:

IGINIIT ng Malakanyang ang “general rule” na bawal pa ring lumabas ng bahay ang mga bata, maliban sa ilang exemption.

Ang pahayag ay kasunod ng pagdagsa ng mga tao sa Manila Baywalk Dolomite Beach noong mga nakalipas na araw kung saan maraming mga bata ang namamasyal sa naturang lugar kasama ang kanilang mga magulang.

Sa kanyang press briefing, ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakasaad naman sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force o IATF na “stay at home” o huwag munang palabasin ng tahanan ang mga bata hangga’t hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.

Pero may exemption ito, dagdag niya, gaya ng pupwedeng lumabas ang mga bata para sa exercise at uubra rin sa “open areas” dahil importante rin ito sa kanilang mental health.

Nauna nang sinabi na para sa “essential purposes” ay pwedeng lumabas ang mga bata ng bahay.

Ayon kay Roque, kailangan lamang sigurong bigyang-diin na hindi pa rin dapat ibiyahe ang mga bata sa ilang mga lugar, gaya ng Dolomite Beach.

Nauna nang sinabi ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na bawal ang mga batang 11-anyos pababa sa Dolomite Beach.

Ayon kay Roque, itinuloy ang naturang proyekto upang kahit papaano ay magkaroon ng “respite” at kaunting libangan sa panahon ng pandemya ang mga tao, kasama na ang mga bata.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.