ILALATAG sa susunod na pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang isinusulong na pagpapalawig ng COVID-19 pediatric vaccination na maging nationwide na, maging ang panukalang itaas ang kapasidad sa pampublikong transportasyon sa Kalakhang Maynila.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ngayong araw ay nagpulong ang IATF pero hindi pa naisama ang dalawang usapin sa mga natalakay.
Pero, sinabi nito na posibleng makasama ang mga paksang ito sa agenda ng IATF sa darating na Huwebes.
Sa kasalukuyan ay limitado pa lamang ang pagbabakuna ng 12 hanggang 17-anyos na kabataan na may comorbidities sa National Capital Region (NCR) subalit isinusulong na ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) na gawin na ito sa iba pang panig ng bansa.

Samantala, isinusulong naman ng Department of Transportation o DOTr na itaas na sa 100 percent ang operating capacity sa pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
Sinabi ni Roque na titingnan itong mabuti ng IATF lalo’t data driven ang pamahalaan.