HIHIMAS ng malamig na rehas ng kulungan ang isang mekaniko matapos itong makuhanan ng baril nang maaresto sa isinagawang anti-illegal gambling operation ng pulisya sa Malabon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek na si Federico Reyes Jr., 47 anyos, ng Block 12-B, Lot 1, Phase 2, Area 3, Barangay Longos.
Sa imbestigasoyn nina PSSgt. Diego Ngippol at PSSgt. Mardelio Osting, nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa 911 ang Sub-Station 5 hinggil sa nagaganap na illegal gambling na kilala bilang cara y cruz sa Block 12, Labahita Street, Barangay Longos.
Agad pinuntahan ng mga tauhan ng SS-5 sa ilalim ng pamumuno ni PLt. Mark Xyrus Santos ang naturang lugar dakong alas-12:15 ng madaling araw.
Gayunman, nang mapansin ng mga nagsusugal ang presensya ng mga pulis ay mabilis nagpulasan ang mga ito sa magkakaibang direksyon subalit, nagawa namang madakma si Reyes.
Nang kapkapan, nakuha sa suspek ang isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala na naging dahilan upang sampahan siya ng kasong paglabag sa PD 1602, RA 10591 at sa Omnibus Election Code.

