NASAMSAM ng mga awtoridad mula sa dalawang tulak umano ng ilegal na droga ang halos P.7 milyon halaga ng shabu matapos matimbog sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City.
Kinilala ni District Drug Enforcement Unit – Northern Police District (DDEU-NPD) chief PLt. Col. Renato Castillo ang naarestong mga suspek na sina Marlon Mendoza, 25 anyos, (Listed/HVI), online seller ng No.58 Quatro De Julio St., Galas, Quezon City at Paul Romeo Llacer alyas “Koykoy,” 26 anyos, (Listed/HVI) ng No. 748 Guido 1 St., Gagalangin, Tondo, Manila.
Ayon kay PLt. Col. Castillo, isinagawa ng mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PMaj. Amor Cerillo ang buy-bust operation sa Guido 1 corner A. Mabini St. Brgy. 133, Caloocan City kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P7,500 halaga ng shabu.
Nang matanggap ang pre-arranged signal mula sa poseur-buyer bilang hudyat na tapos na ang kanilang transaksyon ay agad lumapit ang back-up na mga operatiba saka sinunggaban ang mga suspek.
Nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang tinatayang nasa 100 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P680,000, buy-bust money na isang P500 bill at pitong P1,000 boodle money, belt bag at Honda Click motorcycle.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

