Nakapamahagi na ng food boxes ang pamahalang lokal ng Maynila sa mga dating residente ng lungsod na narelocate na sa kalapit mga probinsya tulad ng Cavite at Bulacan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Manila Mayor Francisco Domagoso sa mga nalipat na ng tirahan na sana nakatulong ng kaunti ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa ipinamahaging ayuda.
Aniya, hangga’t kakayaning abutan kahit pa taga Maynila o labas ng Maynila ay hindi na mahalaga basta ang importante , sila ay matulungan ngayong pandemya.
Nasa kabuuang 2,850 FSP food boxes na ang naideliber ng Department of Public Services (DPS) personnel sa Naic, Cavite; Pandi, Bulacan; at Norzagaray, Bulacan.
Sa Naic, Cavite, 800 food boxes ang natanggap noong April 21; 1,400 naman sa Pandi, Bulacan noong April 23, at 650 food boxes sa Norzagaray, Bulacan noong April 25.
Naglalaman ng tatlong kilong bigas, 16 de lata, 8 sachet ng kape ang food box na layong makatulong sa mga pamilya na apektado ng pandemya.
“Botante man o hindi botante, yakapin ninyo. Tulungan natin,” paalala pa ni Domagoso sa mga barangay sa lungsod.

