AWOL na parak, todas sa pamamaril sa Caloocan

NASAWI ang isang AWOL (absent without leave) na pulis matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang suspek na sakay ng dalawang sasakyan sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na kinilalang si PCpl. Ronel Acuña, 40 anyos, dating nakatalaga sa Caloocan police subalit nailipat sa Police Regional Office 8 (PRO 8) at residente ng No. 104 Capaz St., Brgy. 63 ng lungsod.

Batay sa report ni police investigator PSSgt. Arjay Terrado kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., dakong ala-1:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Bernadette at Nadurata Streets sa pagitan ng 8th at 9th Avenue, West Grace Park, Brgy. 60.

Lumabas sa imbestigasyon na pauwi na ang biktima kasama ang witness na si Regine Lintag, 27 anyos, ng 102 Baltazar St., 5th Avenue, Brgy. 49 sakay ng motorsiklo nang harangin sila ng isang kulay puting Toyota Fortuner at kulay silver na Toyota Innova na parehong hindi naplakahan, sa kanto ng Nadurata at Bernadette Street.

Ilang lalaki na armado ng mahaba at maiksing baril ang bumaba saka pinagbabaril sa ulo at katawan ang biktima bago mabilis na nagsitakas sa hindi pa matukoy na direksyon sakay ng kanilang sasakyan.

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng NPD-SOCO sa crime scene ang dalawang basyo ng bala ng M16 rifle, tatlong basyo ng bala ng cal. 45 baril at isang deformed fired bullet.

Sinabi ni Barangay 60 Chairperson Elsa Tonizol sa isang panayam na sa kanilang pagkakaalam, si Acuña ay hiwalay sa kanyang asawa at si Lintag ang kasalukuyang girlfriend nito.

Ipinag-utos na ni Col. Mina ang follow-up imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.