Magsasagawa ng survey ang pamahalaang lungsod ng Maynila para sa mga medical frontliner ng siyudad.
Ang inisyatibong ito ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ayon kay Cesar Chavez, ang chief of staff ng alkalde, ay upang malaman kung anong COVID-19 vaccine ang nais na matanggap ng mga health care workers.
Sa inisyal na survey, ang mga tauhan ng Manila Health Department (MHD) at anim na ospital na nasa pangangasiwa ng lungsod ang una nang natanong hinggil sa bakuna.
Batay umano sa MHD, handa nang magpabakuna ang karamihan sa mga medical frontliners ng Sinovac vaccine.
Maging ang mga direktor ng anim na district hospital sa Maynila ay magboboluntaryo umanong magpaturok ng Sinovac vaccine.
Matatandaan na nagpahayag na rin ang alkalde ng kanyang kahandaan na magpabakuna ng Sinovac upang maibalik ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna basta’t awtorisado ng Food and Drug Administration o FDA.
Tuloy-tuloy naman ang pagtatanong ng Myanila sa mga medical frontliner, maging sa mga residente lalo na ang mga nakatatanda, mga manggagawa at iba pa.
Kabilang sa mga bakuna na bibilhin ng lungsod ay AstraZeneca, na may tiyak nang 800,000 doses; Sinovac at iba pa na awtorisado ng FDA.