SINIMULAN nang makipagsosyo ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa Cebu Safari and Adventure Park para sa hinaharap na pagpapalitan ng wildlife at animal medicines.
Inaasahang matatapos ang redevelopment at general renovation ng Manila Zoo para sa muling pagbubukas nito sa Pebrero 2022, ayon kay Manila Mayor Francisco Domagoso.
Ang Cebu Safari and Adventure Park naman ay madaling makakapag-suplay sa Manila Zoo ng wildlife dahil maraming species ang matagumpay na dumarami sa 170-hectare animal reservation area nito.
“Itong Cebu Safari hindi lang siya basta zoo. Initially nag-angkat sila ng mga hayop but they developed. Dumating na sila sa stage na nagpro-produce na sila ng sarili nilang animals. Nag bre-breed sila ng maayos. Syempre sisikip itong zoo na ito pag marami na silang bagong wildlife. Welcome naman sa Maynila ‘yung hayop nila. Di lang tao ang welcome, we are willing to receive some donations,” paliwanag ni Domagoso.
Ang Manila Zoo, ang kauna-unahang zoo sa Southeast Asia na binuksan noong 1959. Pansamantala itong isinara noong Enero 2019 para ma-upgrade at maisaayos matapos manawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamunuan ng zoo dahil sa kakulangan ng tamang sewage system.
Kamakailan ay nagtungo si Mayor Domagoso sa Cebu kung saan binisita nito ang Cebu Safari and Adventure Park kasama ang ilang opisyal ng gobyerno. Sinalubong sila ni Cebu Safari vice president at chief operation officer Eduard Loop.