Sugatan ang isang mangisngisda matapos saksakin ng kapitbahay na nagalit nang makitang nasaktan ang kanyang ama na umawat sa away ng biktima at kanyang live-in partner sa Navotas City kamakalawa ng hapon.
Isinugod ng kanyang kapatid na babae sa Tondo Medical Center si Ariel Cabral, 27, ng 151 Masipag St. DMCI Baywalk, Brgy. Tanza 1. Matapos magamot sa mga tinamong saksak sa likod na bahagi ng ulo ay agad namang pinauwi ng doktor ang biktima.
Naaresto naman sa follow up operation ng mga tauhan ng Tanza Police Sub Station ang suspek na si Kim Policris Marasigan, 26, welder, ng Marasigan St. Brgy. Tanza 1 subalit hindi narekober ang ginamit niyang patalim.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-5 ng hapon, katalo ng biktima ang kanyang live-in partner sa harap ng kanilang bahay nang tangkaing awatin sila ng ama ng suspek hanggang sa mauwi sa kaguluhan.
Nang makita ng suspek na nasaktan ang kanyang ama ay nagalit ito at sinaksak ng tatlong beses sa likod na bahagi ng ulo ang biktima gamit ang isang kitchen knife.

