Mangingisda, patay matapos mabagok ang ulo sa semento

WALA nang buhay ang isang 41-anyos na mangingisda matapos umanong mabagok ang ulo nito sa semento nang dumulas ang sinasakyang bisikleta habang papalabas ng kanilang garahe sa Navotas City Miyerkules ng umaga.

Wala ng buhay nang matagpuan ni Marygrace Calibjo, 42 anyos, ang kanyang nakababatang kapatid na si Johan Calibjo sa loob ng kanilang garahe sa No. 10 Fisherman Village, Brgy. Daanghari dakong alas-7 ng umaga sanhi ng matinding pinsala sa ulo at likod.

Kaagad na humingi ng tulong sa mga kapitbahay si Marygrace subalit nang matiyak na wala ng buhay ang biktima, ipinasiya na nilang ipabatid ang pangyayari sa San Roque Police Sub-Station 2 na unang nagresponde sa lugar.

Iniutos naman ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang pagsisiyasat sa pangyayari upang alamin kung walang karahasang naganap sa biglaang pagkamatay ng biktima.

Hihintayin naman ng mga imbestigador ang resulta sa isasagawang autopsy examination sa biktima bago muling ipagpatuloy ang pagsisiyasat.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.