Mahigit 400 opisyal ng gobyerno at mga kasabwat inireklamo dahil sa SAP anomalies

NAHAHARAP ngayon sa mga kasong kriminal ang may 437 na lokal at itinalagang mga opisyal ng pamahalaan at kanilang mga kasabwat dahil sa mga umano’y anomalya sa pangangasiwa ng pondo para sa Social Amelioration Program (SAP).

Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), mayruon pang hiwalay na 626 reklamo na sinisiyasat ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

“Habang patuloy ang pangalawang yugto ng pamimigay ng SAP, puspusan naman ang ating pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwaling mga opisyal at ng kanilang mga kasabwat. Sobrang nakakadismaya na nagawa pa nilang mangurakot sa ayudang nakalaan para sa sa ating mga kababayan na lubhang apektado ng pandemya,” pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año.

Tinukoy ng kalihim na sa 437 mga kaso na isinampa sa iba’t-ibang Prosecutor’s Office ng Department of Justice, 203 ang elected public officials tulad ng mga Municipal Mayor, City/Municipal Councilor, Barangay Captain, Barangay Kagawad, Sangguniang Kabataan chairmen at SK Councilors.

Ang 102 naman ay mga barangay and city personnel, kasama na ang Barangay Secretaries, Barangay Treasurers, Barangay Health Workers, Home Owner’s Association Officers, Purok Leaders, City/Municipal Social Welfare and Development Officer, SAP Enumerators at Day Care Teachers habang ang 132 ay tinatawag na civilian co-conspirators.

Sinabi pa ni Año na karamihan sa mga isinampang kaso ay paglabag sa Republic Act (RA) 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act; RA 11469 o Bayanihan Act; at RA 11332 o Law on Reporting of Communicable Diseases. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.