INIULAT ng Commission on Elections (Comelec) na mahigit 4.8 milyon na bagong botante ang nakapagparehistro na para sa 2025 national ang local elections (NLE).
Ayon sa Comelec, ang kabuuang rehistradong botante para sa May 2025 elections ay umabot na sa 4,827,794 na lagpas na sa orihinal na target na 3 milyon.
Nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng nagparehistro ang Calabarzon, na umabot sa 801,784. Sinundan ito ng National Capital Region (NCR) na may 650,683; Central Luzon na may 557,082; at Davao region na may 283,730.
Nakapagtala naman ang Comelec main office ng 7,620 bagong botante.
Nanatili namang nasa 2,496,436 ang bilang ng mga nagparehistrong kababaihan at 2,332,358 naman para sa mga lalaki.
Matatapos ang voter registration para sa midterm elections sa Setyembre 30, 2024.
Ang mga aplikante ay maaaring magparehistro mula Lunes hanggang Sabado, alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon sa anumang Comelec office sa buong bansa.
Bukas din ang Register Anywhere Program para sa mga nagnanais na magparehistro sa mga itinalagang voter registration sites sa mga mall at eskuwelahan.