INILIPAT na sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro ang nasa 500 pang Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. umabot na sa 13, 781 na PDLs ng NBP ang nailipat sa ibang Prison and Penal Farms bilang bahagi ng decongestion program ng ahensiya at paghahanda para sa planong pagsasara ng pambansang piitan sa 2028.
Nasa 150 personnel mula sa NBP kasama ang augmentation ng Philippine National Police Muntinlupa ang nag eskort at inilipat ang mga ito sa Sablayan Prison sa Occidental Mindoro.
Sinabi ni Catapang ang seguridad at logistics ng transfer ay mabusising pinamahalaan sa suporta ng mga units na nagmonitor sa mga importanteng ruta kasama na rito ang South Luzon Expressway (SLEX) at ng Star Tollway Arterial Road (STAR) Patrol.
Dagdag pa nito, ang ganitong komprehensibong hakbang ay naglalayon hindi lamang pagandahin ang kondisyon ng pamumuhay ng PDLs kundi bigyang-halaga ang pangako ng gobyerno tungo sa reporma ng penal system sa bansa.
Samantala ipinag-utos naman ng director sa lahat ng Superintendents ng OPPFs na magpatupad ng kinakailangang pag-iingat para proteksiyunan ang mga buhay at ari-arian sa kanilang lugar na nasasakupan.

