KALABOSO ang 55-anyos na babae nang hulihin ng mga tauhan ng PNP Avsegroup kaugnay sa apat na bilang na kasong qualified theft na mahigit tatlong taon na ang nakaraan makaraan dumating mula sa China.
Wala nang nagawa pa ang babaeng suspek nang ipakita sa kanya ng mga tauhan ni P/BGen. Dionisio Bartolome, Jr. acting director ng PNP Aviation Security Group (Avsegroup) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang warrant of arrest bago pa lumabas ng NAIA Terminal 1.
Ang warrant of arrest ay galing sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) sa apat na bilang na kasong qualified theft through falsification of public documents.
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya sa nahuling babae, batay sa report.
Ang suspek ay dinala na sa CIDG-Southern Metro Manila District Field Unit kung saan hinihintay ang utos ng korte para sa paglipat sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Pasig City Jail.

