NADAGDAGAN pa ng 143 na mga bagong kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Batay sa huling tala ng PNP Health Service, pumalo na sa 34,316 ang mga kaso ng COVID-19 sa organisasyon. Sa nasabing bilang, nasa 1,917 ang aktibong kaso o patuloy na nagpapagaling.
Maliban sa mga bagong kaso, isa rin ang iniulat na nasawing pulis bunsod ng virus infection kaya’t pumalo na sa 104 ang mga namamatay sa PNP.
Aabot naman sa 76 ang nadagdag sa mga gumaling kaya’t nasa 32,295 ang total recoveries sa PNP.
Samantala, pumalo na sa 1,701 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Ang active cases natin 1,701. Halo-halo na po ‘yan, mayroong military, kadete, CAFGU,” pahayag ni AFP spokesperson Colonel Ramon Zagala.
Ito ay makaraang madagdagan pa ng 59 na mga bagong kaso ng COVID-19 bagamat 49 sa mga ito ang gumaling na. Bagamat nakapagtatala ng mga kaso ng COVID-19, nasa 97,000 o 67% ng mga tauhan ng AFP ang bakunado na laban sa virus.

