Magaling lang sa umpisa

Share this information:

TULAD ng inaasahan, nagkumahog na naman ang Department of Health (DOH) na i-release ang matagal nang nakabinbing benepisyong sadyang inilaan para sa mga healthcare workers na nasa bungad ng laban ng gobyerno kontra pandemya.

Ang siste, tila kailangan pang magwala ang sektor ng kalusugan bago bitawan ng DOH ang pondong laan para sa special risk allowances para sa mga doktor, nars at iba pang medical frontliners na nagbanta ng isang mass resignation dahil sa kabiguan ng pamahalaan na tumupad sa pangako kaugnay ng kanilang hazard pay.

Bakit nga naman hindi sasama ang kanilang loob – mantakin mong kabi-kabila ang lumabas na katiwalian ng kagawarang pinamumunuan ni Francisco Duque habang sila’y nagpapakapuyat at pirming nasa peligro sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Katunayan, hindi na halos mabilang ang dami ng mga tinamaan ng COVID-19. Hindi na din mawari kung ilan sa kanila ang pumanaw na hindi man lang nakukuha ang sadyang para sa kanila.

Gayunpaman, hindi nagpatinag ang mga healthcare workers sa pakiusap ng gobyernong muling nangako na agad tutugunan ang kanilang panawagan.

Kaya naman ngayon, nag-umpisa nang madama ng DOH ang kakulangan ng mga medical frontliners na sabayang nagbitiw sa hangaring tumungo na lamang sa isang bansa kung saan sabi nila ay hindi hamak na mas mainam ang trato sa kanila.

Bilang pambungad, 23 nurse na nakatalaga sa Emergency Department ng Saint Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City ang sabayang nagbitiw na lubhang ikinabahala ng mga namamahala sa nasabing pribadong pagamutan.

Mula sa 66 na nars sa kanilang ER, 43 na lamang ang naiwanan, dahilan upang lubos na mangamba ang pamunuan ng naturang ospital na hindi na halos magkamayaw sa dami ng kanilang inaasikasong pasyente.

Maging ang lungsod ng Biñan sa lalawigan ng Laguna, hindi na magkamayaw kung paano kakalingain ang bugso ng pasyenteng nakapila habang naghihintay na sila’y maasikaso sa pagamutang mabibilang na lang sa mga daliri ng kamay ang bilang ng mga aktibong gumaganap sa tungkulin.

Pag-amin pa ng mga nangangasiwa sa Ospital ng Biñan, mayroon na din silang naitalang  mga namamatay sa pila.

Hindi sasapat ang maghapon kung iisa-isahin ang aktuwal na kaganapan sa mga ospital. Ang sigurado lang – bugso ang dating ng pasyente, puno na halos lahat ng pagamutan, kulang ang kanilang mga healthcare workers at walang pagpapahalaga ang gobyernong magaling lang sa una.

Palaging ganito din ang nagiging tagpo. Dadaing ang mga healthcare workers, magpapabida ang mga nakaupo sa pwesto, mangangako at ang masaklap pa’y paasahin lang sa dulo.

Sa isang banda, kasalanan ng mga frontliners ang kanilang kinasasadlakan.

Pinangakuan na kasi, sukdulang umasa pa sa katuparan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.