DINAKIP ng mga awtoridad ang isang Barangay Chairman at ilang opisyal nito dahil sa reklamong Malversation of Public Funds partikular ang paglustay sa Social Amelioration Program (SAP) at pamemeke ng dokumento.
Ayon sa MPD Public Information Office, alas 9:20 kagabi nang maaresto sa Bagumbayan St. Sta. Mesa, Maynila si Mario Simbulan Ferrales, 73, Chairman ng Brgy. 608 Zone 61 District VI at residente ng 217-C Bagumbayan St. Sta Mesa.
Kasama din na inaresto ang ilang opisyal ni Ferrales na sinasabing kasabwat na sina Barangay Kagawad Ma. Cristina Zara, 53; Barangay Ex-o Isagani Darilay, 42, at isang John Mark Nagera, 24.
Ang nasabing mga indibidwal ay inireklamo dahil sa hindi naibigay na ayuda mula sa SAP ng gobyerno para sa ikalawang quarter na halagang P8,000 ng mga complainants na sina Jerson Ceniza, 30, walang trabaho at Renerio Salabo, 32, store attendant.
Nabatid sa impormasyon, sa kabila na nasa listahan ang mga recipient, hindi nila natanggap ang dapat sanang cash aid na kanilang matatamasa.
Narekober sa mga naaresto ang Masterlist ng Beneficiaries at dalawang pekeng identification cards ng mga suspek na nakalagay ang pangalan at address ng mga complainant na inisyu ng Brgy. 608.
Sinabi ni Police Capt. Philipp Ines, MPD-PIO Chief , nasa tanggapan ngayon ng SMaRT (Special Mayors Reaction Team) ang mga suspek dahil nasa pamamahala ng Manila Social Welfare Development ang pamamahagi ng naturang cash aid.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Art 217 (RPC) Malversation of Public Funds (Social Amelioration Program Funds) at Art 172 Falsification of Public Documents ang mga opisyal ng barangay.

