Mag-utol, nalitson ng buhay sa QC fire

NALITSON ng buhay ang isang magkapatid na babae habang nagtamo naman ng 2nd degree burns ang kanilang ama nang tangkain silang sagipin sa nasusunog nilang tahanan sa Quezon City kamakalawa ng umaga.

Nakilala ang mga nasawi na sina Mariah Maxine Lee, 24 at kapatid na si Isabel Franchesca Lee, 10, kapwa residente ng Matahimik Street, Barangay Malaya.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Fire Chief Inspector Joseph Del Mundo, operations chief ng BFP-QC, dakong alas – 5:50 ng umaga (January 8) nang bigla na lamang sumiklab ang apoy sa ilalim ng hagdanan ng bahay ng pamilyang Lee, na umanoy ginawang bodega.

Ang origin po ng ating fire ay doon sa ilalim ng hagdan na isang mini bar na ginawa nilang storage, sa may ground floor po ‘yun, doon po nagsimula ‘yung sunog, umakyat hanggang doon sa may second floor,” ayon kay Del Mundo.

Agad na gumapang ang apoy sa mezzanine na kinaroonan ng kwarto ng magkapatid at nakulong sa lumalaglab na apoy.

Nagawa namang makalabas ang padre de pamilya at anak niyang lalaki na natutulog sa ground floor pero tinangka munang apulahin ng ama ang apoy subalit hindi na nila kinaya at na-trap sa kwarto sa mezzanine ang magkapatid.

Sa kasawiang palad hindi po sila nakalabas gawa ng mga bintana ng kanilang bahay ay walang window opening, mga naka-grills po sila at wala po silang smoke detector,” ayon pa kay Del Mundo.

Naapula ang apoy makalipas ang isang oras habang inaalam pa ang sanhi ng sunog.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.