PATAY ang isang 47-anyos na lalaki at nadamay ang kanyang 15-anyos na pamangkin nang pagbabarilin ng kanilang lolo matapos na nagtalo dahil sa linya ng tubig na dumaan sa bahay ng huli sa Gen. Trias City, Cavite Sabado ng umaga.
Hindi na umabot ng buhay sa City of General Trias Doctors Medical Center ang mag-tiyuhin na sina Alfredo Alcaraz y Javier at alias Yumiko, kapwa residente ng Bgry. Jalavera, Gen. Trias City, Cavite habang naaresto naman sa follow-up operation ang suspek na si Alfredo Javier ng nasabing barangay.
Sa ulat ni PSSgt. Jayson Olivar ng Gen. Trias City Police Station, dakong alas-10:00 kamakalawa ng umaga nang naganap ang insidente kung saan nagtungo ang suspek sa bahay ng mga biktima na nasa loob lamang ng compound sa Brgy. Jalavera ng naturang lungsod.
Kinompronta umano ng suspek ang biktima hanggang sa nagkarooon ng mainitang pagtatalo at nagbunot ng kalibre 45 baril ang una at pinagbabaril si Alcaraz.
Pitong bala ang ibinaon ng matanda sa kanyang apo kung saan nadamay si alias Yumiko na lumabas habang nagtatalo ang dalawa at tinamaan ng bala.
“Pinuntahan ng suspek ang biktima hinggil sa ibinaon na linya ng tubig na dumaan sa harapan ng kanyang bahay at ipinapatanggal ito,” ayon kay Olivar.
Tumakas ang suspek pero sa isinagawang follow up operation ng Mangggahan Community Police Action Center (COMPAC) ay naaresto sa Brgy. Panungyanan, Gen. Trias City sa presensiya ni Brgy. Captain Salazar at narekober ang kalibre 45 na baril na ginamit sa pagpaslang.

