C-130 plane ng PAF bumagsak sa Sulu, 17 sundalo patay, 40 sugatan

Share this information:

NASA 17 sundalo mula sa Philippine Army ang nasawi sa nangyaring pagbagsak ng isang C-130 Hercules military cargo plane sa Jolo, Sulu kaninang tanghali.

Bukod sa nabanggit na bilang ng mga namatay sa trahedya ay nasa 40 naman ang sugatan na ngayon ay dinala sa ibat ibang pagamutan sa Jolo.

Ayon kay Lt. Col. Maynard Mariano, chief, Public Information Office ng PAF, dakong alas 11:30 ng tanghali araw ng Linggo, July 4, 2021, nang maganap ang insidente sa Jolo Port.

Nabatid sa inisyal na report, may sakay na 92 personnel ang eroplano nang bumagsak ito sa Barangay Bangcal sa Patikul, Sulu kabilang ang tatlong piloto na nakilalang sina Major Emmanuel Makalintal; Major Benolerao at 1st Lt. Hintay; ang 5 medical crew na pinangunahan nina Captain Emeterio at Lt. Tato at ang 84 na sundalo ng Philippine Army.

Napag-alaman na lumipad mula sa Villamor Airbase sa Pasay City ang eroplano sakay ang bagong graduate na mga sundalo na nakatakda sanang italaga sa 11th Infantry Battalion ng Joint Task Force-Sulu.

Subalit pagkalapag umano ng eroplano sa runway ay bigla na lamang nawalan ito ng kontrol hanggang mag-over shoot ito sa Barangay Bangcal, Patikul, Sulu.

“One of our C-130s while transporting our troops from Cagayan de Oro, na-miss niya ‘yung runway trying to regain power, at hindi nakayanan. Bumagsak doon sa may Barangay Bangkal, Patikul, Sulu,” pahayag naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Cirilito Sobejana.

Wala naman umanong nadamay na mga bahay o sibilyan sa pagbagsak ng eroplano habang patuloy pa na inaalam sa imbestigasyon ang insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.