Lider ng “Jamal Criminal Gang,” isa pa kulong matapos malambat sa Caloocan dahil sa shabu

DALAWANG drug suspects, kabilang ang umano’s lider ng “Jamal Criminal Gang,” ang didiretso sa kulungan matapos mahulihan ang mga ito ng mahigit P.8 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na drug operation ng pulisya sa Caloocan City.

Sa ulat ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Lt. Col. Renato Castillo kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Jose Santiago Hidalgo Jr., nakatanggap ang mga operatiba ng DDEU ng impormasyon mula sa kanilang impormante na nagbebenta umano ng shabu si Muamar Abiden, 31 anyos, (HVI).

Dakong alas-6:30 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng DDEU sa pangunguna PSMSgt. Michael Tagubilin ang buy-bust operation sa bahay ni Abiden sa No. 94 A Palon St., Brgy. 69 na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya matapos bentahan ng P7,500 halaga ng shabu ang isang police poseur-buyer.

Nakumpiska sa suspek ang tinatayang nasa 100 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P680,000, marked money na isang P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money at pouch.

Samantala, sa Brgy., 176, Bagong Silang, nirespondehan ng mga operatiba ng Caloocan Police Intelligence Section sa pangunguna nina PMaj. Rengie Deimos at PMaj. John David Chua sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Samuel Mina Jr., ang natanggap na impormasyon mula sa Barangay Information Network (BIN) na nagbebenta umano ng shabu ang lider ng “Jamal Criminal Gang” na si Jamaloden Assirong alyas “Jamal,” 28 anyos, sa kahabaan ng Phase 1, Package 1, Block 15, Lot 3.

Pagdating sa lugar dakong alas-3:20 ng madaling araw, naaktuhan ng mga pulis ang suspek na may inaabot na hinihinalang shabu sa isang lalaki na nakasuot ng surgical mask subalit, nang mapansin sila ng mga ito ay mabilis nagpulasan kaya hinabol sila ng mga operatiba hanggang sa makorner si Jamal habang nakatakas naman ang isa.

Narekober kay Jamal ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang nasa 20 gramo ng hinihinalang shabu may standard drug price na P136,000 at P510.00 cash.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.