UMARANGKADA ang “Libreng Sakay” ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa mga estudyante ngayong unang araw ng klase, ika-22 ng Agosto 2022.
Nagsimulang magsakay ng mga pasahero ang dalawang Coast Guard buses sa Quezon City Hall alas 6 ng umaga kanina. Tatahakin ng mga ito ang ruta na papuntang University Belt sa España, Maynila.
Pagdating sa University Belt, iikot naman ang mga Coast Guard buses patungong Rizal Park bago tuluyang bumalik sa Quezon City.
Nagpatuloy ang programa hanggang ika-9 ng umaga kanina.

Sa hapon, magsisimula naman ang Libreng Sakay mula University Belt bandang alas-4 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Ayon kay PCG Commandant CG Admiral Artemio Abu, layon ng programang ito na makabawas sa gastusin ng mga mag-aaral sa pagsisimula ng School Year 2022-2023.

Bukod sa mga estudyante, binuksan na rin ang mga PCG buses para sa mga empleyadong papasok sa kani-kanilang opisina.
Matapos isakay ang lahat ng estudyanteng naaabutan sa daan, isinasakay na rin ng mga Coast Guard personnel ang ibang pasahero para makabawas sa kanilang pamasahe ngayong Lunes.
(PHOTO CREDIT: Philippine Coast Guard)

