Libreng dialysis para sa Senior Citizens, isasa-batas na

Share this information:

NAISALANG na sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 7859 o ang “Free Dialysis for Senior Citizens Act of 2020”.

Ito ay makaraang makalusot ang panukala sa House Committee on Senior Citizens ngayong araw ng Huwebes.

Sa ilalim ng panukala, libre na ang anumang uri ng dialysis para sa mga nakatatanda gaya ng hemodialysis, peritoneal dialysis at iba pa, na aaprubahan ng Department of Health o DOH.

Ang Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth naman ang magkakaloob ng reimbursement sa mga senior citizen, na ang dialysis ay ginawa sa mga accredited na ospital, at dialysis centers.

Base sa may-akda ng panukala na si Senior Citizens PL Rep. Rodolfo Ornades, sa ilalim ng circular no. 22-2015, 90 lamang mula sa 144 dialysis sessions ng isang senior citizen na pasyente ang binabayaran ng Philhealth.

Ang ibang sesyon, kailangan nang bayaran ng pasyente, ngunit ito ay mahal at hindi kaya ng mga senior citizen lalo na ang mga mahihirap.

Pero kapag naging ganap na batas ang House Bill, tiwala si Ordanes na mawawala na ang pag-aalala ng mga lolo at lola na sumasailalim sa dialysis sessions dahil magiging libre na ang mga ito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.