ISANG panukalang batas kung saan makakakuha ng libreng annual medical check up ang mga Pilipino ang nakalusot na sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa.
Ang House Bill 9072 o Free Annual Medical Check-up Bill ay pumasa sa botong 245 na YES, Zero na NO at Zero na ABSTAIN.
Inaasahang ang panukalang batas, na sang-ayon din sa Universal Health Care Law, ay malaki ang maitutulong sa maraming mga Pilipino upang makapagpa-check up na hindi kailangang intindihin ang maaaring maging gastos tungkol sa pangangailangang pang-kalusugan, lalo na ngayon sa panahon ng pandemiya na dulot ng COVID-19.
Ilan sa mga benepisyo sa medical check up na makukuha kapag ganap nang batas ang nasabing panukalang batas ay ang libreng laboratory exams tulad ng sa blood sugar, cholesterol at iba ang mga pagsusuri na gagawin sa mga pampublikong ospital at katulad na mga pasilidad.
Pagdating sa pondong kakailanganin sa pagpapatupad ng bill sa oras na maging batas na ito, kukunin ang badyet mula sa pondo ng PhilHealth.
Tinitingnan din na maaari pang madagdagan ang mga laboratory tests na pwedeng maisama sa mga benepisyo sa ilalim ng bill depende sa pinansiyal na kapasidad ng nasabing ahensiya.