LGUs pinaghahanda sa mga tsunami na posibleng tumama sa bansa

HINIHIMOK ni Phivolcs Director Undersecretary Renato Solidum, Jr., ang mga lokal na pamahalaan na pagplanuhan at paghandaan ang posibleng maranasang tsunami lalo na sa mga komunidad na malapit sa mga baybayin.

Ipinunto ni Solidum na ang Pilipinas ay matatawag na prone o malimit daanan ng tsunami dahil mayruong earthquake generators sa bansa.

Batay aniya sa pag-aaral, mayruong sampu hanggang labing-apat na milyong mga tao ang nakatira sa tabing-dagat at delikadong maapektuhan ng tsunami.

Tinukoy pa ni Solidum na sa nakalipas na 400-taon, ang lahat ng tsunami na nararanasan sa bansa ay locally-generated kaya’t limitado ang panahon upang makapaghanda ang mga residente at agad na makalikas.

Nabatid kay Solidum na nangyari ang pinakamalakas na tsunami na ikinasawi ng may 8,000 tao nuong Agosto 17, 1976 matapos ang magnitude 8.1 na lindol sa Moro Gulf sa Mindanao.

Maliban sa paghahanda ng LGUs at ng publiko, dapat ding tandaan ang mga senyales ng paparating na tsunami o ang Shake, Drop and Roar.

Magsisimula aniya ito sa malakas na lindol at biglang mawawala o aatras ang tubig sa baybayin at susundan na ng malakas na dagundong.

“These observations are very useful as these would provide a warning at the local level,” ani Solidum.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.