Lalaki, ibinili ng droga ang natanggap na ayuda

ARESTADO ang isang lalaking bumili umano ng ilegal na droga mula sa natanggap nitong ayuda sa gobyerno sa Barangay Matandang Balara, Quezon City kagabi.

Nabatid sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad na matapos na makakuha ng P4,000 ayuda ay nahuli si Joe Villera dahil sa hindi pagsusuot ng facemask at paglabag sa curfew dakong alas-11 ng gabi.

Matapos na bigyan ng tiket ay sinamahan ng mga tanod si Villera pauwi sa kanilang bahay. Gayunman, nakiusap si Villera na bumalik at mayroon umano siyang naiwan sa damuhan.

Nang makita ng mga tanod ay ilegal na droga pala ang binalikan nito. Isang pakete ng hinihinalang shabu ang nakuha mula kay Villera.

Dahil sa insidente, tuluyan nang hindi pinauwi at ikinulong ang suspek. Aminado naman si Villera na may bisyo ito at ang bahagi ng natanggap na ayuda ay kanyang ipinambili habang ang P3,000 ay ibinigay umano sa kapatid.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.