30 bote ng COVID-19 vaccine, napinsala sa sunog sa Misamis Oriental

HINDI bababa sa 30 bote ng bakuna kontra COVID-19 ang nasira dahil sa sunog sa Misamis Oriental Provincial Health Office.

Gayunman, sinabi ni Department of Health (DOH) Region 10 director Dr. Jose Llacuna Jr. na ang pinsalang idinulot ng sunog ay hindi makakaapekto sa vaccination program sa lalawigan.

Gagawan aniya nila ng paraan upang mapalitan ang mga nasayang na bakuna.

Nabatid pa kay Llacuna na wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa sunog sa provincial health office.

Gabi ng Miyerkules nang sumiklab ang sunog sa Misamis Provincial Health Office na nasa compound ng provincial capitol sa Cagayan de Oro City.

Ayon sa Misamis Oriental Public Information Office, partikular na natupok ay ang health office at kalapit gusali nito.

Dakong alas-6:38 ng gabi nang magsimula ang sunog at makalipas lamang ng 20 minuto ay itinaas sa ika-apat na alarma.

Bandang alas-8:54 ng gabi nang tuluyang maapula ang apoy na tumupok ng tinatayang P1.4 milyong hala ng ari-arian.

Patuloy na ring sinisiyasat ng mga awtoridad ang insidente…

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.