ISANG mataas na opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nagsabi na wala pang plano na ibalik ang “LaBoracay Festival” sa isla ng Boracay.
Ito ang tugon ni DILG Undersecretary Epimaco Densing nang tanungin kung uubra na bang magkaroon ng LaBoracay, isang nakagawiang pagdiriwang sa Boracay tuwing Mayo 1 o “Labor Day.”
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Densing na walang mangyayaring LaBoracay ngayong taon, maliban na lamang kung magbago ang isip ng Department of Tourism (DOT).
Batay sa naging huling pag-uusap sa pagitan ng DILG, DOT at Department of Environment and Natural Resources (DENR), wala pang balak na ibalik ang LaBoracay dahil nakita noon na hindi naging maganda ang epekto nito sa kalikasan ng Boracay.
Ayon dito, bukod sa dagsa ng mga tao ay maraming mga basura na naiiwan sa lugar pagkatapos ng pagdiriwang ng LaBoracay.
At sa ngayon, ani Densing, nasa Alert Level 1 pa ang Boracay maging ang iba pang tourist destinations sa ating bansa at wala pa sa Alert Level 0 kaya kailangan pa ring matiyak na nasusunod ang health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, mapanatili ang social distancing at iba pa.
Maalala na noong Semana Santa, dinagsa ang Boracay ng mga turista. Pero nasita ang lokal na pamahalaan dahil lumabis sa “carrying capacity.”