Mga pasahero, stranded sa ilang istasyon ng bus sa Cubao at Pampanga

MARAMING mga pasahero ang stranded sa ilang istasyon ng bus sa Cubao sa Quezon City at sa Pampanga dahil sa muling paglilimita sa mga provincial bus na makapasok sa Metro Manila. 

Batay sa kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), pinapayagan na lang ang mga provincial bus na makapasok sa Metro Manila at makadiretso sa kanilang terminal sa itinalagang window hours mula 10 p.m. hanggang 5 a.m. 

Ayon sa LTFRB, kung wala umanong QR Code at lagpas na sa window hours, hanggang sa Bocaue NLEX terminal na lang maaaring magbaba at magsakay ng pasahero ang mga provincial bus. 

Ayon kay Alex Yague, direktor ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas, Incorporated, stranded ang mga pasahero dahil hindi na tumuloy sa biyahe ang mga bus kaninang umaga upang hindi mahuli ng mga awtoridad. 

Iginiit naman ni Yague na hindi akma ang nasabing window hours para sa mga provincial bus na malapitan lang ang biyahe. 

Karamihan umano kasi sa mga pasahero ng mga ito ay mga nagtatrabaho sa Metro Manila kaya umaga dapat ang oras ng dating nila sa mga terminal ng bus, tulad sa EDSA-Cubao.

Naglabas naman ng paglilinaw ang LTFRB sa anunsyo ng ilang provincial bus operator na limitado na lamang sa window hours scheme ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na 10pm-5am ang kanilang operasyon.

Maaalalang umani ito ng napakaraming reaksyon sa social media mula sa mga pasahero matapos mag anunsyo ang ilang bus companies ng limitadong operasyon.

Pero sa pahayag ng LTFRB, iginiit nito na ang pagsunod sa window scheme ng MMDA ay hindi nangangahulugan na ang operasyon ng provincial bus ay magsisimula lamang at magwawakas mula 10 pm hanggang 5 am.

Tulad umano ng ipinaliwanag ng MMDA sa pagpupulong, ang kanilang naging kasunduan sa mga provincial bus operator ay maaaring gamitin ang kanilang pribadong terminal mula 10 pm hanggang 5 am. Subalit kapag ito ay lampas sa window hours ay kinakailangang magtungo sa mga sumusunod na terminal kung saan may mga city buses na maghahatid sa mga pasahero

Kabilang dito ang PITX – Quezon, Region 4-A, MIMAROPA, and Bicol

PITX at  Araneta Center Cubao – Region 4-A CALABARZON

North Luzon Express Terminal (NLET) – Region 1, 2, and CAR

NLET at Araneta Center Cubao – Region 3

Sta. Rosa Laguna Integrated Bus Terminal (SRIT) – provincial buses mula Visayas at Mindanao

Binigyang-diin naman ng ahensya na ang mga “permit to operate” ay ibinigay sa mga provincial bus operator upang maghatid ng mga pasahero sa anumang oras kapag may pangangailangan, at hindi lamang sa loob ng window hours.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.