BAWAL pang maningil ng ng dagdag-pasahe ang mga drayber ng pampasaherong jeep kung wala pa itong “fare matrix” na nakapaskil sa loob ng kanilang ibinabiyaheng sasakyan.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, dapat ay may nakapaskil na bagong “fare matrix” sa loob ng kanilang mga sasakayan bago payagang magpatupad ng dagdag-singil sa pasahe.
Kaugnay ito ng pagsisimula ng implementasyon ng P12 minimum na pasahe sa tradisyunal na jeep at P14 sa mga modernong jeepney o iyung mga may air-conditioner.
Nauna na ring sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maaaring papanagutin ang mga drayber at operator na maniningil nang may taas-presyo pero walang fare matrix.
Ang ibang tsuper na wala pang fare matrix, hindi muna umano magtataas ng singil sa pangamba na isumbong siya ng mga pasahero.
Dagdag-boundary
Bagama’t natutuwa sa dagdag-pasahe, sinabi ng isang jeepney driver na nangangahulugan din ito ng dagdag sa kanilang boundary na ibibigay sa operator.
Kung halimbawa umano na tumaas ng piso ang pasahe ay katumbas ito ng P50 na dagdag sa boundary na para sa isang jeepney driver ay pambili na rin ito ng ulam.