PINAGBABARIL hanggang sa mamatay sa harap mismo ng kanyang live-in partner ang isang 34-anyos na lalaki ng isa sa apat na hindi kilalang mga suspek na sapilitang pumasok sa kanilang kubo sa Malabon City, madaling araw ng Linggo.
Ayon kay Chief of Police Col. Angela Rejano, dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Valentino Espinoza ng P. Concepcion Street, Barangay Tugatog.
Sa imbestigasyon nina Police Master Sgt. Julius Mabasa at Police Staff Sgt. Ernie Baroy, dakong alas 2:10 ng madaling araw ng pasukin ang natutulog na biktima kasama ang kanyang live-in partner na si Maricel Dela Paz sa kanilang kubo sa loob ng Tugatog Cemetery at doon malapitang pinagbabaril.
Ngsagawa ng follow-up operation ang mga pulis subalit hindi na nila inabutan pa ang mga suspek habang walong basyo ng bala mula sa hindi matukoy na uri ng baril ang nakuha sa crime scene ng mga tauhan ng SOCO.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang tunay na motibo sa insidente kung saan isa sa mga hinihinalang dahilan ay ang pagkakasangkot ng biktima sa ilegal na droga.